Rep Chua: The PNP is just doing their job
Ipinagtanggol ni Manila 3rd District Representative Joel Chua sa ginanap na pulong balitaan sa Kamara de Representantes nitong Martes ang ginawang hakbang ng Philippine National Police (PNP) na bawasan ang mga “security detail” ni VP Sara Duterte.
Ayon kay Chua, wala siyang nakikitang motibasyong pulitikal kaugnay ng paglilipat ng 75 pulis na nakatalaga kay Duterte bilang mga personal bodyguard.
“Well on the contrary, tingin ko wala namang pamumulitika ‘kong nakikita, but baka mamaya dina-divert lang po niya ‘yong issue dahil naalala po ninyo siya po ay sumagot dito nung pumutok po yung issue na siya po’y nagpunta sa Germany sa kasagsagan po ng bagyo,” aniya.
Dagdag pa ni Chua, ginagawa lamang ng PNP ang kanilang trabaho at dapat ito ay respetuhin.
“Ang pwede po nating kwestyunin kung totally tinanggalan po siya ng security. In fact, ito po [ay] nagsimula po yata kung hindi ako magkakamali sa 400; siya po yung pinaka mostly secured vice president in the history, kaya lang siyempre, we have to consider na marami rin pong binabantayan ang atin pong mga kapulisan,” dagdag niya.
Ang pahayag ni Chua ay kaugnay ng inilabas na open letter ng Bise Presidente kay PNP Chief Police General Rommel Marbil kung saan inakusahan ni Duterte ang pinuno ng pulisya na nagsisinungaling tungkol sa dahilan ng pagbabawas ng mga pulis na nakatalaga sa kanya.
Matatandaan na ipinag-utos ng hepe ng pambansyang pulisya ang paglipat sa 75 pulis upang madagdagan ang mga kapulisang nagbabantay sa seguridad ng pamayanan at mapaigting ang pagbibigay seguridad.
Sa kahiwalay na panayam, sinabi ni Police Colonel Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, na pinili na lamang manahimik ng Chief, PNP at sa halip ay itinuon nito ang kanyang pansin sa pagbibigay serbisyo sa mga nasalanta ng nagdaang bagyong Carina sa kalakhang Maynila at CALABARZON.
Aniya, sa kasalukuyan ay mayroon pang 31 pulis ang nakatalagang magbantay sa seguridad ng bise presidente, bukod pa sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, at ang naunang mga inilipat na pulis ay bumuo sa 600 kawani ng PNP na naghatid serbisyo noong nagdaang SONA at bagyo.