KKDAT Alfonso Lista Chapter, nakiisa sa Tree Planting Activity
Aktibong nakiisa sa isinagawang tree planting activity ang mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) Alfonso Lista Chapter sa Sitio Rosenda, Brgy. Sta. Maria, Alfonso Lista, Ifugao nito lamang ika-14 ng Setyembre 2024.
Nakiisa sa nasabing aktibidad ang mga tauhan ng 2nd Ifugao Provincial Mobile Force Company katuwang ang Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) Alfonso Lista Chapter.
Ang mga kalahok ay matagumpay na nakapagtanim ng 100 narra at mahogany tree seedlings. Ang mga punong itinanim sa naturang aktibidad ay inaasahang makatutulong sa pagsusumikap na mapanumbalik ang kagubatan sa lugar na magdadala ng pangmatagalang benepisyo tulad ng pagpigil sa pagguho ng lupa, pagpapalakas ng biodiversity, at pagbabawas ng epekto ng pagbabago ng klima.
Ang aktibidad sa Sitio Rosenda ay patunay ng lumalakas na ugnayan sa pagitan ng mga ahensya ng tagapagpatupad ng batas, mga organisasyong pangkabataan, at mga lokal na komunidad sa Ifugao, na sama-samang nagsisikap tungo sa isang luntiang at mas matatag na kinabukasan.