Thanksgiving at Gift-giving Activity, isinagawa sa Calauan at San Pablo, Laguna
Isang makabuluhang Thanksgiving and Gift-Giving activity ang isinagawa sa Home for Women and Children sa Brgy. Lamot 2, Calauan, Laguna, at sa Nazareth Bahay Pag-ibig: Home for the Aged na matatagpuan sa loob ng San Pablo Cathedral Compound, San Pablo City, Laguna nito lamang Martes, ika-10 ng Hunyo 2025.


Ang aktibidad ay pinangunahan ni PCol Ricardo I. Dalmacia, Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office, katuwang ang Officers’ Ladies Club (OLC), sa pangunguna ni PCol Catherine DC Dalmacia, Provincial OLC Adviser.
Isinagawa ang aktibidad na may layuning maghatid ng ligaya at suporta sa mga 29 na bata at 22 na senior citizen na pansamantalang naninirahan sa nasabing mga institusyon.


Ang gawaing ito ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 kaarawan ng Acting Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office, PCol Ricardo I. Dalmacia. Sa halip na isang marangyang selebrasyon, pinili ni PCol Dalmacia na ibahagi ang kanyang biyaya sa mga nangangailangan, katuwang ang kanyang pamilya at mga kasamahan sa serbisyo.
Mapapansin sa mga mata ng mga bata ang tuwa at pananabik, mga ngiting kay tagal na nilang hindi nasilayan sa araw-araw. Para naman sa mga nakatatanda, ito ay isang paalala na sila’y hindi nakakalimutan; na sa kabila ng kanilang edad, may mga kamay pa ring handang dumamay at pakinggan sila.
Layunin ng aktibidad na ito ang maipadama sa mga kabataan at senior citizen ang tunay na diwa ng malasakit at bayanihan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng oras, suporta, at simpleng regalo. Sa mga ngiti ng mga bata at yakap ng mga nakatatanda, muling naiparating ang mensahe ng pagkakaisa at pag-asa, na ang serbisyo ng kapulisan ay hindi lamang sa pagpapatupad ng batas, kundi pati na rin sa tunay na paglilingkod sa pamayanan.