Mga residente sa Palawan, masiglang nakiisa sa 40th International Coastal Cleanup Day
Madaling araw pa lamang ay gumising na ang mga residente sa Palawan, partikular sa lungsod ng Puerto Princesa, upang makiisa sa 40th International Coastal Cleanup Day na may temang “Clean Seas Against the Climate Crisis” sa Puerto Princesa City Baywalk nito lamang Setyembre 20, 2025.
Nagtipon-tipon sa Puerto Princesa City Baywalk, sa tapat ng itinatayong bagong public market ng lungsod sa Brgy. Mandaragat, ang mahigit 2,300 mamamayan mula sa lungsod at lalawigan kung saan isinagawa ang isang programa na pinangasiwaan ng Pamahalaang Panlungsod sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at iba’t ibang ahensya.

Ang aktibidad ay nilahukan ng mga kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng city at provincial government, barangay officials, academe, uniformed personnel, gayundin ng mga establisyemento at kumpanya mula sa pribadong sektor, civil society organizations, at volunteers kasama narin ang Coastguard at Puerto Princesa PNP
Pagkatapos nito ay isinagawa ang sabay-sabay na pagtatapon ng mudball sa dagat kung saan marami ang sumali sa mahabang linya para sa longest mudball throwing na hudyat ng pagsisimula ng coastal cleanup. Agad itong sinundan ng paglilinis sa baybayin sa pamamagitan ng pamumulot at paghahakot ng iba’t ibang uri ng basura na lumulutang sa tubig at nasa tabing-dagat.
Ang coastal cleanup ay mas pinalaki at matagumpay na naisakatuparan sa pinagsanib na pwersa ng 17th episode ng Save the Puerto Princesa Bay ng Pamahalaang Panlungsod at International Coastal Cleanup “Tayo ang Solusyon” ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Government- Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kaugnay ng selebrasyon ng 125th Philippine Civil Service Anniversary ngayong buwan.
Source: Palawan Island Network