KKDAT at mga OJT students, nakiisa sa pagsasanay sa Basic Life Support sa Iguig, Cagayan
Aktibong nakiisa ang mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo sa isinagawang lecture at praktikal demonstrasyon ukol sa Basic Life Support sa 2-day Symposium na ginanap sa Casa Caridad, Barangay Nattaanzan, Iguig, Cagayan nito lamang ika 28 ng Abril 2025.


Pinangunahan nina Cpl Jogean D. De Guzman at Cpl Jhoker A. Aguilana ng Philippine Army ang nasabing aktibidad kung saan dinaluhan ng mga On-the-Job Training (OJT) students mula sa University of Cagayan Valley (UCV), mga kasapi ng KKDAT at mga estudyante mula sa Vicente D. Trinidad High School.
Layunin ng symposium na mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan sa tamang pagtugon sa mga emerhensiya sa pamamagitan ng mga batayang teknik sa pagsagip ng buhay. Sa pamamagitan ng aktwal na demonstrasyon ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) at iba pang BLS methods, nabigyan ang mga kalahok ng mas malinaw na pang-unawa at kumpiyansa sa pagharap sa mga hindi inaasahang sitwasyon.
Bukod sa BLS training, ginamit rin ang symposium bilang plataporma upang itaas ang kamalayan ng mga kabataan ukol sa mga mapanlinlang na taktika ng mga Communist Terrorist Groups (CTGs) at iba pang banta sa seguridad. Pinayuhan ang mga kalahok na maging mapagmatyag at aktibong makilahok sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang komunidad.
Ang ganitong mga aktibidad ay patunay ng patuloy na ugnayan ng militar sa mga kabataan at paaralan upang palakasin ang kanilang kaalaman, kahandaan, at kamalayan sa isyu ng seguridad at kaligtasan.